MAYNILA, Pilipinas — Nanindigan si Senate President Francis “Chiz” Escudero na tungkulin ng House of Representatives na igalang ang utos ng impeachment court ng Senado, kasunod ng pagkwestyon ni House Speaker Martin Romualdez sa hakbang ng Senado na ibalik ang Articles of Impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte.
Sa ambush interview nitong Huwebes, malinaw ang pahayag ni Escudero:
“That is the decision of the impeachment court. As prosecutors, they should respect and follow that. The same goes for Vice President Sara; she should respect and follow the summons issued by the impeachment court,” aniya.
(“Desisyon iyon ng impeachment court. Bilang mga taga-usig, nararapat lang na sundin at igalang nila ito. Ganoon din si Bise Presidente Sara—dapat niyang sundin ang ipinadalang summons ng impeachment court.”)
Binigyang-diin ni Escudero na hindi maaaring balewalain ng Kamara ang utos ng impeachment court dahil hindi sila pantay sa ganitong usapin.
“The House is in no place to defy the orders of the impeachment court. This is not a bicam where we need to agree. This is the order of the impeachment court directed to the prosecutor, who is only a party to the case. The party and the Court are not equal,” giit niya.
(“Walang kapangyarihan ang Kamara na suwayin ang utos ng impeachment court. Hindi ito bicameral conference na kailangan ng pagkakasundo. Ito ay utos ng korte para sa taga-usig, na isa lamang sa mga partido sa kaso. Hindi magkapantay ang korte at ang partido.”)
Noong Hunyo 10, maagang nagtipon ang mga senador bilang impeachment court upang talakayin ang mosyon ni Senador Ronald dela Rosa na ibasura ang reklamo laban kay VP Duterte. Sa parehong araw, iminungkahi ni Senador Alan Peter Cayetano na ibalik muna sa Kamara ang mga dokumento ng impeachment.
Layunin ng mungkahing iyon na ipagpaliban muna ang desisyon hangga’t hindi natutugunan ang dalawang bagay:
Makapagbigay ang Kamara ng pormal na pahayag na walang nilalabag na probisyon sa Konstitusyon, partikular ang bahagi na nagsasabing,
“No impeachment proceedings shall be initiated against the same official more than once within a period of one year,”
(“Walang impeachment proceeding na maaaring simulan laban sa parehong opisyal nang higit sa isang beses sa loob ng isang taon.”)
At magpahayag ang Kamara ng kahandaang ituloy ang impeachment laban kay Bise Presidente Duterte.
Sa ngayon, hinihintay ng Senado ang tugon ng Kamara upang maipagpatuloy ang pormal na paglilitis, alinsunod sa itinatakda ng Saligang Batas.
