ERC Inaprubahan ang Mas Mataas na FIT-All, Singil sa Kuryente Tataas

Inaasahang tataas ang singil sa kuryente sa susunod na buwan matapos aprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang pagtaas ng feed-in tariff allowance (FIT-All). Ang hakbang na ito ay ginawa matapos maubos ang FIT-All Fund dahil sa patuloy na mababang presyo sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).

Sa isang pahayag, sinabi ng ERC na inaprubahan nito ang kahilingan ng National Transmission Corporation (TransCo) na itaas ang FIT-All rate mula P0.0838 per kilowatt-hour (kWh) patungong P0.1189 per kWh sa kanilang regular na pagpupulong noong Pebrero 19.

Ang FIT-All ay isang karagdagang singil na ipinapataw sa lahat ng on-grid electricity consumers upang patuloy na suportahan ang renewable energy (RE) sector sa bansa.

“In approving the increase, the ERC noted the depletion of the FIT-ALL Fund due to sustained low prices in the Wholesale Electricity Spot Market (WESM),” ayon sa pahayag ng ERC.

“The lower-than-expected WESM prices adversely affected the fund’s capacity to cover the FIT payments, necessitating adjustments in the FIT-ALL computation to ensure the payments for the supply to consumers coming from renewable energy (RE) FIT-eligible power plants,” dagdag pa nito.

Ayon pa sa ERC, binago rin ang FIT Differential, o ang pagkakaiba sa pagitan ng FIT rates na binabayaran sa renewable energy generators at kasalukuyang presyo sa WESM, sa P10,125,029,884 mula sa naunang pagtataya ng TransCo na P13,541,077,775, batay sa aktwal na generation data mula Enero hanggang Disyembre 2024.

“The ERC is committed to ensuring that FIT payments are sustained to support the continued development of renewable energy projects while balancing the impact on consumers,” ayon sa pahayag ng ahensya.