THE HAGUE, Netherlands — Tinanggihan ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na tanggalin sa kaso ang dalawang hukom na nakatalaga sa pagdinig ng kanyang pagtutol sa hurisdiksiyon ng korte.
Nahaharap si Duterte sa imbestigasyon ng ICC dahil sa mga umano’y krimen laban sa sangkatauhan, kaugnay ng extrajudicial killings sa ilalim ng kanyang kampanya kontra ilegal na droga.
Noong Hunyo 9, nagpulong ang plenaryo ng mga hukom ng ICC upang talakayin ang petisyon ni Duterte na diskalipikahin sina Hukom Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou at Hukom María del Socorro Flores Liera mula sa kaso.
“The plenary of judges, acting unanimously, decided to reject the application,”
ayon sa desisyong pirmado ni Hukom Tomoko Akane.
(“Ang plenaryo ng mga hukom, na kumilos nang nagkakaisa, ay nagpasyang tanggihan ang aplikasyon,”)
Ayon sa korte, ilalabas sa lalong madaling panahon ang buong detalye ng kanilang desisyon.
Ipinunto ni Duterte sa kanyang petisyon na dapat alisin sa pagdinig ang dalawang hukom dahil sa posibleng pagkiling, habang hinaharap niya ang Defence Challenge with Respect to Jurisdiction, na layong kuwestyunin ang awtoridad ng ICC sa kanyang kaso.
Kasabay nito, nanawagan naman ang Office of the Public Counsel for Victims sa ICC na ibasura ang kabuuang hamon ni Duterte sa hurisdiksiyon ng korte, at ipagpatuloy ang imbestigasyon.
