P9 Billion budget ng Pasay City sa 2025 kinuwestiyon, panawagan na maging transparent sa pondo sa health services inihirit

Nagpahayag ng pagkaalarma si Pasay City Councilor at Mayoral bet Wowee Manguerra sa “bloated” na pondo ng lungsod para sa 2025 na aabot sa P9 Billion kung saan malaking bulto ng alokasyon ay sa City Health Office at Pasay General Hospital .

Ayon kay Manguerra nakakapagtaka ang malalaking pondong inilalaan ng Pasay City Government sa healthcare ngunit hindi nararamdaman ng mga residente, aniya, patuloy pa rin ang nararanasang kakulangan sa hospital rooms at medical facilities.

Tinukoy nito ang P1,071,072,472.53 pondo para sa City Health Office at P930,894,641.15 para sa Pasay City General Hospital.

“Bakit tayo may bloated na budget ngunit kulang pa rin sa serbisyong medical” pahayag ni Manguerra sa isinasagawang budget deliberation ng Pasay City Government na ginaganap sa Sheraton Hotel, Pasay City.

Kinuwestiyon din nito ang malaking alokasyon para sa Office of the Mayor na aabot sa 3,871,369,674.37 at maging sa University of Pasay , 128,058,012.01 at Pasay Social Welfare Department (PSWD) 178,653,595.28.

“Ang laki ng pondo ng City Mayor’s Office at ng ating ospital pero hindi nararamdaman ng tao ang katulad na benepisyong natatanaggap ng ibang syudad sa Metro Manila” dagdag pa ni Maguerra.

Tiniyak ni Manguerra na kanyang patuloy na babantayan ang budget deliberation kasabay ng panawagan na magkaroon ng transparency sa budget process ng lungsod kung saan iminungkahi nito na isapubliko ang deliberasyon sa pamamagitan ng Facebook live.

“We have an obligation to the citizens. We are funded by their taxes, and it is only right that we remain accountable,” giit nito.

Samantala, pinuna din ni Manguerra ang kawalan ng malinaw na breakdown ng alokasyon sa budget.

“ Dapat ayusin ng mga department heads ang kanilang power point presentation upang maipakita sa publiko ang breakdown ng pondo at kung saan ito mapupunta. Dapat malinaw at detalyado ang mga impormasyon para maunawaan ng taumbayan kung saan magagamit ang kanilang buwis” paliwanag pa nito.

Iginiit pa ni Manguerra na malinaw ang panawagan ng mga residente sa para sa “better governance” at transparent process sa paggamit ng pondo.

“Many citizens express doubts about how the Pasay City budget is utilized .The overall sentiment is clear: the residents of Pasay demand significant and tangible improvements in healthcare services, reflecting the true intentions behind the city’s substantial budget”pagtatapos pa ni Maguerra.