Sen. Robin: Hindi na Dapat Patagalin Pa ang Pangako sa Nagbalik-Loob

Hindi na dapat patagalin ng pamahalaan ang pinangako nitong tulong para sa mga dating mandirigma ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) na nakinabang sa programang amnestiya.

Iginiit ito nitong Martes ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla, matapos ang kanyang consultative meeting sa mga opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Senado.

“Sa totoo lang, ang daming pinaguusapan ngayon na hindi pa pinaguusapan. Dapat pinaguusapan, paano tayo makaka-deliver sa pinangako ng gobyerno sa MILF,” ani Padilla, na tagapangulo ng Senate Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs.

Napag-alaman sa pagpulong na marami pang hindi naitupad sa pangako ng pamahalaan sa mga taga-MNLF at MILF na magbabalik-loob. Mula 2014, 26,145 decommissioned combatants pa lang ang nakatanggap ng tulong – at may 14,000 pang pinoproseso ang kanilang pag-decommission.

Sa 26,145 na nakakatanggap ng tulong, hindi lahat ang nabigyan ng socio-economic package na ipinangako sa kanila.

“Frustrated ang combatants namin, bakit hanggang ngayon di pa delivered ang commitment ng gobyerno… siguro di dapat parang pagong na umuusad yan,” ani Mohagher Iqbal, na dating opisyal ng MILF at ngayo’y myembro ng Bangsamoro Transition Authority Parliament.

Tugon ni Padilla, paguusapan niya ito ng mga taga-Mindanao na senador, kasama si Sen. Juan Miguel Zubiri at Ronald dela Rosa para maimbestigahan kung ano ang nangyari sa amnesty. Aniya, nagulat sila ni Zubiri sa sitwasyon.

“Hindi ba meron tayong pinasang batas? Yun pala kwentuhan pa lang yan. So yan aasikasuhin natin,” aniya.