Sen. Robin, Isinulong ang Pagpasa ng FOI Bill

“Sa isang demokratikong pamayanan, wala pong boss kundi ang taumbayan. At bilang tagapaglingkod ng bayan, tungkulin nating tumugon sa mga tanong ng ating mga pinaglilingkuran. Sa panukalang batas po na ito ang bawat Pilipino na humihingi ng impormasyon ay may karapatang mabigyan ng access sa mga tanggapan ng pamahalaan.”

Iginiit ito ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa kanyang pag-sponsor ng Senate Bill 2880, na bunga ng konsolidasyon ng mga bersyon ng People’s Freedom of Information (FOI) Act.

Ani Padilla, na tagapangulo ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, magiging applicable ang FOI sa lahat ng executive, legislative at judicial na tanggapan, constitutional offices, lokal na pamahalaan, State Universities and Colleges (SUCS), Government-Owned or Controlled Corporations (GOCCs), at iba pang instrumentalidad ng pamahalaan.

Diin ni Padilla na ang panukalang batas ay tumatalima sa Artikulo III, Seksyon 7 ng Saligang Batas: “The right of the people to information on matters of public concern shall be recognized”; at sa Seksyon 28, Artikulo II ng Saligang Batas: “Subject to reasonable conditions prescribed by law, the State adopts and implements a policy of full public disclosure of all its transactions involving public interest.”

May probisyon ang panukalang batas na inilista ang mga exceptions kabilang ang impormasyong may kinalaman sa ating pambansang seguridad at depensa, diplomatic safety, mga impormasyong nakatala sa executive session ng dalawang kapulungan ng Kongreso, trade secrets, at ang mga sumasailalim sa bisa ng presidential privilege.

Hindi rin makakasama sa ilalathala ang mga personal na impormasyon sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth tulad ng address, mga detalye ng mga dependents, pirma ng kawani ng pamahalaan at mga kopya ng ating IDs.

“Kabilang rin po sa konsiderasyon sa pagbalangkas ng panukalang ito ang layunin ng Republic Act 10173 o Data Privacy Act of 2012 na nangangalaga sa ating right to privacy,” ani Padilla.

“Nais ko na ring banggitin na binibigyang-diin ng panukalang batas na ito ang Republic Act No. 9485 o Anti-Red Tape Act of 2007 na naglalayong mapabilis ang serbisyo ng gobyerno,” dagdag niya.

Iginiit ni Padilla na hangad ng panukalang batas ang magkaroon ng totoong transparency at accountability pagdating sa koleksyon at paggasta ng mga ahensya at lokal na pamahalaan ng pondo ng bayan.

Makakatulong din ang panukala sa laban sa lumalalang sistema ng korapsyon, aniya.

“Isang napakagandang hakbangin po nito kung tunay at tapat ang ating intensyon sa tamang paggastos ng pera ng bayan. Hindi lamang nito mahahadlangan ang mga modus sa pagbubulsa ng ating kaban, mas mapapaigting rin po nito ang pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan,” aniya.

Dagdag pa ni Padilla, hinihikayat ang mga ahensya na gumamit ng payak na wika sa pamamagitan ng paggamit ng wikang Filipino sa mga impormasyong ilalabas.

“Upang magkaroon naman po ng ngipin ang ating batas, naging partikular na rin po tayo sa mga administrative offenses, gayundin sa mga karampatang parusa, sa mga lalabag sa sinasaad ng ating FOI bill,” diin niya.

“Mayroon din pong probisyon sa sistema ng incentives at rewards upang mabigyan naman natin ng tamang pagkilala ang mga ahensya o lokal na pamahalaan na nakikiisa at sumusunod sa mga panuntunan ng freedom of information,” dagdag niya.