Umapela nitong Huwebes ng gabi si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa pamahalaan na maging mas maluwag ang trato sa mga refugee at stateless persons, lalo na ang mga napilitang umalis sa kanilang mga bansa dahil sa giyera at pagmamalupit.
Ginawa ni Padilla ang pag-apela sa kanyang mensahe sa pagtatapos ng 10-taong implementasyon ng National Action Plan to End Statelessness sa Makati City.
“Sana ang gobyerno namin medyo lumuwag nang kaunti… Sana ganyan din maging mentalidad ng leaders sa bansang ito, hindi tayo puro kwento. Kasi sa sarili nating bayan meron tayong stateless sa Sabah,” aniya.
Ikinalungkot ni Padilla na maraming mga refugee at stateless persons ay mga Muslim. Igniit niya na may magagawa ang pamahalaan para tulungan sila.
“Meron tayong siguro ang makakatulong sa atin, nandiyan ang DOJ,” aniya.
Ihinain ni Padilla noong Pebrero ang Senate Bill 2548 na nagpapalakas sa proteksyong maibibigay ng pamahalaan sa mga refugee at stateless persons, lalo na ang mga apektado ng giyera at pagmamalupit.
Sa panukalang batas, magkakaroon ng Refugees and Stateless Persons Protection Board bilang “central authority” sa mga bagay tungkol sa pag-determina ng status, at eligibility para makamit ang proteksyon bilang refugee at stateless person.
Ipinagbabawal ng panukalang batas ang Estado na paalisin ang refugee maliban kung ito ay may kinalaman sa national security o public order, mula Pilipinas papunta sa bansang maaaring maranasan nila ang pagmamalupit.
Bago ang mensahe ni Padilla, diniin ni Chief State Counsel Dennis Arvin Chan na kailangan ang patuloy na pakikipagugnayan ng Pilipinas sa ibang bansa para tuldukan ang statelessness.
Ayon naman kay Atty. Maria Ermina Valdeavilla Gallardo, pinuno ng Philippines Office ng United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR), may 4.4 milyong stateless na tao sa buong mundo, at dapat tutukan ang mga bagong hamon kabilang ang bata ng mga migrant workers na inaabandona.
“It is about restoring humanity, ensuring every child person woman has a chance to say ako ay Pilipino,” aniya.