Vitaly Zdorovetskiy, Russian Vlogger na Inaresto sa Pilipinas, Hindi Maide-deport—Remulla

MAYNILA, Pilipinas — Mananatili sa Pilipinas ang kontrobersyal na Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy upang gugulin ang kanyang sentensiya, ayon kay Kalihim ng Interior at Pamahalaang Lokal na si Benhur “Jonvic” Remulla.

Sa pahayag nitong Linggo, Hunyo 1, sinabi ni Remulla na hindi maisasagawa ang deportasyon dahil parehong tumanggi ang Russia at Estados Unidos na tanggapin si Zdorovetskiy. Ayon sa kalihim, bagaman green card holder si Zdorovetskiy, hindi rin siya tinanggap ng US.

“Ang problema kasi namin, ang Russia, hindi siya tinatanggap, ang US naman, green card holder siya, hindi rin siya tinatanggap, so hindi namin alam kung saan siya papauwiin eh,” ani Remulla.

Nahaharap ang vlogger sa tatlong kaso ng unjust vexation at inaasahang haharap sa paglilitis sa darating na linggo. Posibleng mahatulan siya ng pagkakakulong mula tatlong buwan hanggang isang taon.

“We will service his sentence, sinigurado ko po ’yun,” dagdag ni Remulla.

Ayon sa mga ulat, si Zdorovetskiy ay naaresto noong Abril 3 sa isang hotel sa Pasay City matapos ipalabas ng Bureau of Immigration ang isang mission order laban sa kanya at ideklarang “undesirable alien.”

Nakunan siya ng video habang nangha-harass ng isang gwardya at isang matandang babae sa Bonifacio Global City. Nireklamo rin siya matapos magnakaw ng isang electric fan mula sa isang kainan at ng isang traysikel, na kalauna’y iniwan sa daan. Inakusahan din siya ng pagpapakalat ng pekeng reviews laban sa ilang negosyong lokal at ng pagtalon sa isang umaandar na jeep.

Nabanggit ni Remulla na sumulat sa kanya si Zdorovetskiy upang humiling na ibasura ang kaso dahil sa umano’y problema sa kalusugang pangkaisipan, subalit itutuloy pa rin ang mga kasong isinampa laban sa kanya.